Ang Tula ay Sandatang Lipos ng Bukas
Saturday, April 29th, 2006Salin at interpretasyon ng tulang La poesía es un arma cargada de futuro (1955) ng makatang Kastilang si Gabriel Celaya.
Para sa mga manggagawa. Para sa biktima ng rape sa Subic. Para sa mga nagsipagtapos na hindi natakot magsalita. Sapagkat ang dangal ay higit sa anumang alinlangan…
…………………………………………………………………….
Kapag wala nang hinahangad na pansariling kagalingan,
Bagkus ay tumitibok at bumabaloy ang diwa,
Nag-aalab ang pag-iral, buong-buo ang pasya,
Tulad ng pulsong bumabasag sa dilim.
Kung masumpungan nang sa harapa’y nakatitig
Ang nakagigimbal at nanlilisik na mata ng kamatayan,
Kagyat mawiwika ang mga katotohanan:
Mga kasakitang makahayup, mapaniil, masintahin.
Sinasabing ang tula raw na
Pumupukaw sa dibdib ng mga nasasakal
Ay humihingi ng kaakuhan, humihingi ng indayog,
Humihingi ng katwiran sa lahat na may labis.
Ang tula para sa maralita ay kinakailangan
Tulad ng kanilang kakanin sa araw-araw,
Tulad ng hanging hinihinga nating labintatlong ulit sa bawat saglit,
Upang mabuhay, tumugon ng oo at lumuwalhati.
Sapagkat nabubuhay tayo sa panganib, sapagkat hindi sila pumapayag
Na maipahayag kung sino tayo,
Di maaaring maging palamuti ang ating mga dalit nang hindi nagkakasala.
Narating na natin ang sukdulan.
Inaalipusta ko ang tulang naisulat bilang luho
Likhang-sining lamang ng mga walang pinapanigan na naghuhugas-kamay, lumalayo at umiiwas.
Inaalipusta ko ang tula ng sinumang hindi ibig marungisan.
Inaangkin ko ang mali.
Nararamdaman ko ang pagdurusa ng marami
At dumadalit ako’t humahangos.
Dumadalit ako, dumadalit ako, at sa pagdadalit ko ng higit sa
pansariling kakapusan, dumaramay ako sa iba.
Gusto kong bigyan kayo ng buhay, himukin ang bagong pagkilos,
At isinasapi ko rito ang paraang nalalaman ko.
Sa tingin ko’y manlilikha ako ng saknong at manggagawa
Na nagpapagal kasama ng iba sa mga pagawaan ng (Filipinas).
Ganito ang aking tula: tula-kasangkapan
Kasabay ng pintig ng nagkakaisa at natatago.
Gayon nga ito, sandatang lipos ng maalwang bukas
Na itinututok ko sa iyong dibdib.
Hindi ito tulang nabuo paunti-unti.
Hindi ito gawang kaibig-ibig. Hindi ito bungang sakdal.
Ito ay tulad ng hanging ating hinihinga
At ito ang dalit na nakapupuspos kapag isinaisip.
Mga salita itong inuulit natin at inaangkin
Bilang atin, at sila’y lumilipad. Higit sila sa bungang-isip.
Ang higit na kinakailangan ay yaong hindi mapangangalan.
Alingawngaw sila sa langit at sa lupa sila’y pagkilos.